KAIBIGANG THAI
August 10, 1991
Diyaryo Filipino
Tatlong gabi na akong nagpupunta
Sa templong ating pinagtatagpuan
Ngunit bakit ang nalalambungang buwan
At malamig na tansong Buddha lamang
Ang aking nasusumpungan?
Kanina, pitong maya ang aking binili
At pinakawalan,
Umaasang maligaw ang isa
Sa iyong kinalalagyan
At magpapaalala sa iyo na ako,
Sa loob ng templo, ay nag-aabang.
Bakit nga ba’t
Hindi na kita natutunghayan?
Ni salita o tanda,
Ikaw ay walang iniwan?
Mamaya, sa paanan ni Buddha,
Maghihintay akong muli.
Pagkasindi ng kandila
At pagkalagay ng kamanyang,
Pipikit ako’t magdarasal.
Sana, sa aking pagmulat,
Mukha mo’y aking nang masilayan.
WAT DOI SUTHEP
February 23, 1991
Diyaryo Filipino
Ayaw kong umakyat sa hagdanan
Ngunit kumakaway
Ang kahel na laylayan
Ng yapak na mongheng
May sapupong mangkok
Sa rosas na lansangan.
Ayaw kong lumapit sa tarangkahan
Ngunit ngumingiti
Ang mga inilalakong loto
Sa bitak-bitak na kamay
Ng patpating balo.
Ayaw kong sumilip sa templo
Ngunit nang-aakit
Ang masamyong insenso
Na sumasayaw sa paanan
Ng ngumingiting
Guro ng karunungan.
Hangin ng umagang
Ayaw pang iwan ng buwan,
Pakipinid ang pintuan
Sa aking likuran.
PAGPANAW
October 30, 1991
Diyaryo Filipino
Ibig kong maghandog ng isang bulaklak
Sa inyong paglalakbay
Ngunit hindi ko kayo maaaring puntahan.
Hindi ko kayo Ama.
Hindi ko kayo Ina.
Hindi ko kayo Kapatid.
Kaya, Lola,
Kayo na lamang ang dumaan
Sa aking kinaroroonan,
Ang pumitas ng oras
Sa aking halamanan.
At kapag makarating na kayo
Sa kabilang kaharian,
Hiling ko,
Ako ay inyong sabugan
Ng tatlong talulot ng bulaklak na tangan.
CHAMLONG
June 24, 1992
Diyaryo Filipino
Saan galing ang iyong galing
At nakamtan mo ang kalayaang hiling?
Tubig lamang ang iyong lakas
Ngunit maraming sumunod sa ‘yong bakas?
Ano ang iyong kapangyarihan:
Asul na mohum ba ng ‘sang magsasaka
O mga kamay ng isang manggagawa?
Na Chamlong, dala mo’y amihan?
(Chamlong was once Governor of Bangkok, Thailand)
LEVI’S BLUES
June 24, 1992
Diyaryo Filipino
Matagal nila akong nilunod,
Binugbog, pinukpok at sinubsob.
Matagak din nila akong ibinitin,
Ibinilad sa araw na mainitin,
Hanggang sa ako’y matuyo’t himatayin.
Nagising na lang ako sa halik
Ng plantsang ibig makipagtalik.
Ngayon, habang pinagninilayan
Ang karanasang pinagdaanan,
Naaalala ko si Mang Juan
At ang sakit na kanyang sinapit
Sa mga kamay ng malulupit
Dahil ayaw daw niyang umawit.
Thursday, June 26, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment